Pambabraso ni Congressman Zaldy Co sa import permit ng mga isda ibinisto ng kalihim ng DA

Hindi lamang sa maanomalyang flood control projects sangkot ang pangalan ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co, kundi pati na rin umano sa insertion ng fish importation permit sa bansa.
Ito ang ibinunyag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., sa budget deliberations ng DA sa House Committee on Appropriations na nagkakahalaga ng 176.70 billion pesos.
Sinabi ni Laurel, na pinupuwersa umano ni Co ang DA na mag-isyu ng import permits para sa 3,000 containers pabor sa fishing companies na konektado sa mambabatas.

Inihayag ni Laurel, na hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ni Co dahil labag ito sa umiiral na scientific process na ginawa ng ahensiya para sa fish importation sa bansa.
Tila nasamid naman ang ilang kongresista na miyembro ng House Committee on Appropriations, nang marinig ang pangalan ni Congressman Co na sabit din sa hindi patas na fish importation.
Vic Somintac