Pang. Duterte, kinilala ang papel ng mga manggagawa sa pagsusulong na mapabuti ang kanilang kondisyon sa trabaho
Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na malaki ang papel ng mga manggagawa para sa pagsusulong ng mga karapatan para sa makataong pagtrato sa trabaho.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng araw ng paggawa, ipinaabot ng Pangulo ang mainit na pagbati sa mga manggagawa
Sinabi ng Pangulo na kinikilala ng pamahalaan ang mga karapatan ng mga manggagawa kabilang na ang karapatan sa tamang pasahod, organisadong pagkilos, pagbuo ng unyon, kolektibong pakikipagkasundo at kalayaan para maipahayag ang saloobin.
Tiniyak din ng Pangulo ang pagsisikap ng kanyang administrasyon sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment at iba pang ahensiya ng pamahalaan na makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pinoy.
Hinimok ng Pangulo ang mga manggagawa na makilahok para sa tunay na pagbabago at magtulungan para mapagtibay pa ang pundasyon para sa mas payapa at maunlad na bansa.
Ulat ni: Vic Somintac