Pangulong Duterte ayaw ng palawigin ang kanyang termino ayon sa Malacañang
Iginiit ngayon ng Malakanyang na hindi interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang kanyang termino kahit baguhin pa ang Saligang Batas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque malinaw ang posisyon ng Pangulo na hanggang 2022 lamang siya sa Malakanyang.
Ayon kay Roque kahit ilagay pa sa bagong Konstitusyon na maaaring palawigin ang termino ng Pangulo hindi siya interesado.
Inihayag ni Roque kung maipagtagumpay ang pagbabago ng Konstitusyon mas gusto ng Pangulo na hindi na tapusin ang kanyang termino.
Niliwanag ni Roque mas gusto ng Pangulo na paiklihin ang kanyang termino sa halip na palawigin pa.
Ang term extension ay ipinalutang ng kongreso dahil sa pagsusulong ng Charter Change o CHACHA.
Ulat ni Vic Somintac