Pangulong Duterte itinuturing na tagumpay parin ang kanyang biyahe sa Russia kahit hindi niya natapos
Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na maganda pa rin ang resulta ng kanyang biyahe sa Russia kahit pa napaikli ang kanyang pananatili doon dahil sa sitwasyon sa Marawi City matapos siyang magdeklara ng Martial Law sa buong Mindanao.
Ayon kay Pangulong Duterte, bago siya umalis sa Russia ay nakapulong niya si Russian President Vladimir Putin ng isang oras at nasabi naman niya ang kanyang mga gustong sabihin o ang kanyang mga pakay sa Russia kung saan positibo naman aniyang tinanggap ni Putin ang kanyang mga naging pahayag.
Matatandaang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na naiintindihan ng Russian Government ang sitwasyon kung bakit umuwi ng mas maaga si Pangulong Duterte.
Hanggang Biyernes pa sana si Pangulong Duterte sa Russia subalit sa hindi inaasahang pangyayari sa Marawi ay pinutol na ng Pangulo ang kanyang biyahe at pabalik na ito ng bansa ngayong araw.
Ulat ni : Vic Somintac