Pangulong Duterte kinasuhan na sa International Criminal Court dahil sa mga kaso ng pagpatay
Kinasuhan na ng mass murder ng self confessed hitman na si Edgar Matobato si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng gobyerno sa International Criminal Court dahil sa mga umano’y kaso ng karumal-dumal na pagpatay kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Criminal case for Crimes against Humanity ang isinampa ni Matobato sa ICC sa The Netherlands.
Nilabag aniya ng Pangulo ang Articles of the Rome Statue nang ipag-utos ang mass murder o extra judicial executions sa mga sangkot sa iligal na droga.
Ayon sa abogado ni Matobato na si Atty. Jude Sabio, nakapaloob sa pitumput pitong pahinang reklamo ang mga sinumpaang salaysay ni Matobato hinggil sa personal nitong nalalaman kabilang na ang umanoy utos na pagpatay ng Pangulo sa ilalim ng Davao Death Squad.
Kasama rin dito ang salaysay ni Retired Supt. Arturo Lascanas na nauna nang tumestigo at ibinunyag sa Senado ang detalye sa operasyon ng DDS na umanoy binuo ni Duterte noong ito pa ang alkalde ng Davao City.
Ibinatay rin aniya ang kaso sa pag-amin ng PNP na mula nang maupo ang Duterte administration, umaabot na sa halos siyam na libo ang naitatalang mga kaso ng pagpatay at karamihan rito ay kagagawan umano ng mga vigilante.
1, 400 ang naitala sa Davao City noong nakaupo si Duterte habang halos walong libo ay nangyari sa ilalim ng gyera kontra droga ng administrasyon.
Malinaw na state sponsored ang mga kaso ng pagpatay dahil ayon kay Matobato, may partisipasyon ang mga pulis, may reward system ang gobyerno at may watchlist kung sino ang mga ipapapatay.
“The basic material hallmarks or elements in the extra-judicial executions in the Davao Death Squad in Davao City and in the continued extra-judicial executions after President Duterte became the President are too numerous and too obvious to escape scant attention: First, there is the element of police participation and command; Second, there is the element of a hitman or an unknown armed assailant; Third, there is a reward system for every killing; Fourth, there is a reward in cash; Fifth, there is a kill watch list; Sixth, there is collaboration between barangay and police officials”. – Atty. Sabio
Bukod kay Duterte, labing-isa pang opisyal ng gobyerno ang sinampahan ng kaparehong kaso sa ICC.
Napilitan silang dumulog sa ICC dahil walang ginawang aksyon ang gobyerno at iba pang human rights body para papanagutin ang mga nasa likod ng mga pagpatay habang pinagtatakpan rin ito ng kaniyang mga kaalyado sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno.
Wala pang komento ang ICC sa isinampang reklamo at kung ano ang gagawin nilang proseso hinggil dito.
Ulat ni: Mean Corvera