Panukala para sa libreng tuition sa mga State Universities itra-transmit na sa Malacanang
Ipadadala na ng Kongreso sa Malacanang ang kopya ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na magtatakda nang libreng tuition fees sa mga State Colleges and Universities sa buong bansa.
Umaapela sina Senador Bam Aquino at Sherwin Gatchalian, principal author ng panukala sa Pangulo na lagdaan na ang panukala para agad maipatupad sa mga SUC’s sa ikalawang semestre sa Nobyembre ngayong taon.
Ginawa anila ang panukala para tulungan ang milyun milyong kabataan na hindi makapag aral sa kolehiyo dahil sa mataas na singil sa matrikula at iba pang bayarin.
Sa ilalim ng batas, wala nang babayaran ang isang estudyante na nag-eenroll sa kolehiyo kapag nakapasa sa entrance exam, Filipino Citizens at kumukuha ng bachelors degree.
Libre na ang tuition at iba pang miscellenaous fee sa lahat ng SUC’s at Local Universities sa buong bansa.
Kung walang pamasahe at pang-araw-araw na gastusin, maari naming mag-aplay ang sinumang estudyante ng loan sa ilalim ng tertiary education subsidy.
Bubuksan din ang loan program sa mga estudyante sa kolehiyo na nag-aaral sa mga pribadong Universidad na maaring bayaran sa ilalim ng SSS at GSIS program.
Sa tantiya ng mga Senador, aabot sa 50 hanggang 53 billion pesos ang magagastos ng gobyerno para pondohan ang libreng tuition fee.
Ulat ni: Mean Corvera
