Panukalang pagpapaliban sa Barangay election malabong maipasa hanggang Hunyo
Aminado si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna na malabo ng maisasabatas ng kongreso ang panukalang magpapaliban ng Barangay elections bago ang recess muli ng sesyon sa Hunyo.
Ayon kay Tugna, kakausapin pa niya sina Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Farinas para malinawan ang direksiyon dito ng Kamara.
Naniniwala naman si Tugna na kakayanin nilang pagtibayin ang panukala para i-postpone ang Barangay election pagkatapos ng SONA ng Pangulo sa huling bahagi ng Hulyo.
Madaling usapan na lamang anya ang isyu sa postponement pero ang mabigat na debate ay sa appointment ng mga Barangay official na papalit sa mga kasalukuyang nakapwesto.
Imposible naman aniyang si Pangulong Duterte ang magtalaga sa 336,000 na appointees sa Barangay.
Kung ipauubaya naman ito sa mga Alkalde, tiyak malaking debate kung dapat mangibabaw dito ang desisyon ng mga botante na may kapangyarihan na pumili at maghalal ng kanilang pinuno.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo