Patay sa nangyaring landslide sa Central Java umakyat na sa 30

Indonesian rescue members search for victims at the site of a landslide, which hit Cibeunying village on November 13, in Cilacap, Central Java province, Indonesia, November 15, 2025. REUTERS / Stringer
Umakyat na sa 30 ang bilang ng namatay mula sa nangyaring landslides sa dalawang rehiyon ng Central Java sa Indonesia, habang nagpapatuloy ang rescue efforts.
Ayon sa disaster mitigation agency, nawawala pa rin ang 21 katao matapos mahkaroon ng landslides na dulot ng malalakas na mga pag-ulan sa ciyudad ng Cilacap noong isang linggo at sa Banjarnegara region nitong nakalipas na weekend.
Sinabi ng tagapagsalita ng ahensiya na si Abdul Muhari, na nakakita ang mga rescuer ng pito pang bangkay sa Banjarnegara, ang lugar na pinakamatinding tinamaan, kaya umabot na sa sampu ang namatay at 18 naman ang nawawala.
Ayon kay Muhari, dose-dosenang mga bahay ang nasira, pito ang nasaktan, at mahigit sa 900 mga residente ang inilikas kasunod ng landslides sa lugar.
Hindi naman bababa sa 700 rescuers kasama na ang mga tauhan ng pulisya at militar ang patuloy na naghahanap sa mga nawawala, gamit ang excavators upang mapabilis ang paghahanap.
Aniya, “We face several obstacles in the search, particularly with landslide ponds filled with debris and continuously flowing waters also risks new landslides due to rains.”
Sa Cilacap, nakadiskubre ang mga rescuer ng apat pang mga bangkay ngayong linggo, kaya umabot na sa 20 ang namatay at tatlo naman ang nawawala pa rin.
Sabi pa ni Muhari, pinalawig ng mga awtoridad ang search operations sa Cilacap hanggang sa susunod na linggo, at halos 400 mga residente ang inilikas.
Nagsimula ang wet season sa Indonesia noong Setyembre at magpapatuloy ito hanggang sa Abril ng susunod na taon ayon sa kanilang weather agency, na nagpapataas sa panganib ng mga pagbaha at malalakas na mga pag-ulan sa maraming mga lugar.