PCG nagbabala laban sa mga nagpapanggap na intermediary upang manghimasok sa opisyal na mga transaksyon sa ahensiya

Naglabas ng mahigpit na babala ang Philippine Coast Guard (PCG), laban sa mga indibidwal na angpapakilalang intermediary o umano’y may basbas ng senior officials, upang manghimasok sa mga opisyal na transaksyon ng ahensiya.
Ayon sa PCG, wala itong binibigyan ng awtorisasyon sa sinumang pribadong indibidwal o third party, para makipag-ugnayan, makipag-negosasyon, o humingi ng pabor sa ngalan ng Office of the Commandant.
Binigyang-diin ng ahensiya, na ang lahat ng komunikasyon, direktiba, at transaksyon ay dapat dumaan lamang sa mga itinakdang pormal na proseso at mga lehitimong tauhan ng PCG, upang maiwasan ang anumang iregularidad at pananamantala.
Layon ng pahayag na pangalagaan ang integridad ng institusyon at pigilan ang mga nagtatangkang gamitin ang pangalan ng PCG para sa sariling interes.
Hinimok naman ng pamunuan ng PCG ang publiko, na manatiling mapagmatyag at agad na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga opisyal na social media platform o sa pinakamalapit na coast guard unit sa kanilang lugar.
Earlo Bringas