PCSO General Manager Balutan, ipinagharap ng reklamong grave threats
Nahaharap sa reklamong grave threats si PCSO General Manager Alexander Balutan dahil sa sinasabing mga pagbabanta nito kay PCSO Board member Sandra Cam kasunod ng mga isiniwalat nitong mga iregularidad sa ahensya.
Isinampa ni Cam ang kanyang reklamo sa piskalya ng Mandaluyong City ilang araw matapos niyang iulat sa pulisya ang anya’y mga pagbabanta sa kanya noong Disyembre.
Ikinuwento ni Cam sa kanyang complaint-affidavit ang nangyari noong December 27 kung saan iniutos ng nakatataas sa PCSO na ideposito ng kanyang mga assigned security ang mga baril nito sa gwardya sa lobby ng PCSO main office sa Shaw Boulevard.
Wala naman anyang maipakita sa kanilang memorandum ang guard na naguutos na ipaiwan ng mga security niya ang kanilang mga baril.
Bukod dito, inihayag pa ni Cam na batay sa salaysay ng kanyang mga staff na noong December 29 ay may mga lalaking kasamahan ni Balutan na hinahanap ang kanyang opisina at sinabing pasasabugin ito.
Binanggit pa ni Cam ang mga tawag sa telepono na kanyang natanggap habang siya ay nasa byahe pauwi sa kanila sa masbate kung saan sinabihan siya na malapit na siyang mawala sa mundo habang tumatawa na parang demonyo.
Una nang ibinulgar ng dating jueteng whistleblower ang maluhong party noong Disyembre ng PCSO na ginastahan ng sampung milyong piso.
Bukod dito inungkat din ni Cam ang anyay iregularidad sa mga iniisyung “guarantee letter” ng PCSO na tulong sa gastos sa pagpapaospital ng mga maysakit.
Nakatanggap umano si Cam ng impormasyon na kasama sa nabibigyan ng guarantee letter ay ang mga pasyenteng mayayaman at naka-confine sa malalaking pribadong ospital.
Ulat ni Moira Encina