Physical Conditiong Program ng PNP, muling ipinatupad upang masiguro ang maayos na kalusugan ng mga pulis

PNP Chief Gen. Nicolas Torre III / Courtesy: PCO
Muling inilunsad ng Philippine National Police (PNP), ang kanilang physical fitness program na tinawag na “Pulisteniks.”
Pinangunahan mismo ng matataas na opisyal ng PNP ang ehersisyo na layong masiguro na nasa maayos na kondisyon ang katawan ng mga pulis.
Sa mensahe ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, sinabi niya na hindi lang ito tungkol sa pag-eehersiyo kundi pagharap sa katotohanan na kadalasang nakalilimutan, na ang malusog na pangangatawan ay malusog na kaisipan.
Una nang inanunsyo ni Torre na muli nilang ipatutupad ang mahigpit na physical fitness test (PTF) sa mga pulis.
Sa ilalim nito bawal na ang matatabang pulis at kailangan silang makapasa sa taunang PFT.
Binigyan din ng PNP ng kalayaan ang mga pulis na mamili ng kanilang physical activity upang ikondisyon ang kanilang mga katawan.
Maaari nila itong gawin mula alas 3 ng hapon tuwing araw ng Martes at Huwebes.
Nais ng PNP na maging bahagi ng lifestyle ng mga pulis ang pagiging malusog dahil kapag “malusog ang katawan, malinaw ang isipan, matatag ang loob, at mabilis ang kilos.”
Mar Gabriel