PISTON nagbabala ng mas malawak na tigil pasada
Mas malakas at mas malawak na tigil pasada ang ikakasa ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON sa sandaling ituloy ang paglagda sa panukalang isinusulong ng pamahalaan na pag-phase out sa mga matatandang jeep.
Sa panayam ng programang Feedback sinabi ni PISTON President George San Mateo, tinututulan pa rin nila ang isinusulong ng gobyerno na pag-phase out ng mga jeep na may edad kinse (15) pataas na anila anti poor.
Aniya, hindi makatarungan ang naturang hakbang na pahirap lamang sa mga tsuper at jeepney operators sa bansa dahil sa oobligahin silang bumili ng mga imported na jeep.
“Sa halip na i-patronize ang mga imported materials na yan na hindi naman matibay dapat ang gobyerno tulungan na paunlarin ang lokal na industriya ng jeep. Handa naman tayong iparehabilitate yan lalo na ang mga operator pero wag naman yung ang tanging solusyon ng gobyerno ay pilitin kang bumili ng mamahaling e-jeep at solar power jeep”. – San Mateo
Pinabulaanan din ni San Mateo , ang lumalabas na ulat na kinausap na sila ng LTFRB at DOTr sa isinagawang konsultasyon noong March 31 dahil ang totoo ay hindi sila kasama sa mga ipinatawag para makausap .
“Ayaw nilang makipag-usap sa amin una hindi nila kami inimbita noong March 31. Ang kinausap nila ay yung alam nilang kayang bolahin at sumuporta doon . Ito naman pong aming ipinaglalaban ay hindi sa personal interest namin kundi maging sa mga ordinaryong mananakay dahil once na mapatupad ang phase out na gusto nila tataas ang singil sa pasahe”. – San Mateo
Ulat ni: Marinell Ochoa
