Plastic Driver’s license, maaari ng makuha simula ngayong araw sa LTO district offices
Simula ngayong araw maaari nang i-claim sa District Offices ng Land Transportation Office sa Metro Manila ang mga nag-apply ng plastic driver’s license.
Ayon kay Atty. Clarence Guinto, LTO-NCR Director, ito ay dahil nakapag-imprenta na ang ahensiya ng mga kailangang plastic driver’s license ng mga nag apply noong nagdaang taon.
Hindi agad naibigay ng LTO ang plastic driver’s license ng mga driver na nag-apply ng non-professional at professional licenses dahil nagkaroon ng bagong ka-kontrata ang LTO sa paggawa nito.
Noong nagdaang administrasyon pinatigil ng Commission on Audit ang pag iisyu ng LTO sa driver’s license dahil tapos na ang kontrata ng ahensiya sa kumpanyang dating humahawak nito.
Nilinaw ni Guinto na ang driver’s license na iniisyu ay para sa 3 years extension lamang at hindi sa 5 years extension na una nang inihayag ng Pangulo.
