PNP binigyang otoridad ng Malakanyang para manghuli sa mga lalabag sa nationwide anti-smoking ban
May karapatan o otoridad ang mga miyembro ng pambansang pulisya na ipatupad ang paghuli sa mga lalabag sa kalalagda pa lang na executive order no. 26 o ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at mga enclosed places sa buong bansa.
Ito ang nakasaad sa probisyon ng EO 26 na hindi lang ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ang dapat na hulihin.
Saklaw din sa dagdag responsibilidad ng mga pulis na tutukan ang mga establisyemento at mga retailer o mas kilala na takatak boys na magbebenta ng sigarilyo sa mga menor de edad.
Bukod sa mga kagawad ng PNP, binibigyang karapatan din ang task force smoke free ng bawat munisipalidad at siyudad na ipatupad ang nabanggit na EO.
Batay sa probisyon ng EO multang limang libong piso o pagkakulong ng hindi hihigit sa 30 araw ang magiging kaparusahan sa sinumang lalabag sa nilagdaang executive order na ipatutupad sa buong bansa.
Ulat ni: Vic Somintac