PNP- NCRPO nakafull alert status na matapos magdeklara ng Martial Law si Pangulong Duterte
Naka full alert status na ang National Capital Region Police Office matapos ang nangyaring pagkubkob ng Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay NCRPO Director General Oscar Albayalde patuloy ang kanilang isinasagawang monitoring ukol sa galaw ng mga terorista sa Metro Manila.
Maglalatag na rin ng checkpoints sa mga lugar sa Metro Manila para hindi makalusot ang sinumang magtatangka ng terorismo.
Sinabi pa ni Albayalde na dadagdagan din ng PNP ang police visibility sa mga matataong lugar tulad ng mga mall, pamilihan, parke at iba pang puntahan ng mga tao.
Nananatili pa ring normal ang sitwasyon sa Metro Manila at wala naman silang natatanggap na ano pa mang terror threat o anumang paghahasig ng kaguluhan.
Huwag din paniniwalaan ang nga kumakalat sa social media na kaugnay na impormasyon sa kasalukuyang sitwasyon sa Marawi City dahil nagdadagdag tensyon ito sa ating mga kababayan.
Samantala, maaari ring ireport sa mga pulis ang anumang kahina hinalang gamit o galaw sa mga matataong lugar sa kapulisan upang sa ganun maisuguro ang kaligtasan at seguridad ng publiko.
Dagdag pa ni Albayalde na kanilang hinihikayat ang publiko na maging alerto at mapagmatyag sa lahat ng pagkakataon.
Ulat ni: Earlo Bringas
