PNP walang namomonitor na banta sa seguridad sa araw ng SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Isang linggo bago ang ika-apat na SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa July 28, puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, nakatakdang makipagpulong ang kanilang mga commander sa mga grupo na sasama sa kilos protesta para pag-usapan ang pinal na pagdarausan ng mga programa.
Layon nitong maiwasan ang girian sa panig ng mga pulis at raliyista sa mismong araw ng SONA.
Sa ngayon wala namang namomonitor ang PNP na anumang banta sa seguridad kaugnay ng SONA.
Ang itinuturing aniyang banta ngayon ng PNP ay ang sama ng panahon.
Gayunman, may mga inihanda na aniyang payong at iba pang panangga sa ulan ang PNP para sa mga pulis na idedeploy sa SONA.

Una nang inanunsyo ng PNP 12 libong pulis na nakatakada nilang ipakalat sa loob at labas ng Batasang Pambansa para tiyakin ang seguridad.
Samantala, kung may plano aniya ang mga raliyista na magsunog ng kanilang effigy ay mas mabuti na kumuha sila ng permit sa Quezon city LGU at sa Department of Environment and Natural Resources.
Mahigpit na kasi aniyang ipinagbabawal sa batas ang pagsusunog ng effigy sa mga kilos protesta.
Kung magpipilit aniya ang raliyista, tiniyak ng PNP na may mga nakastandby na truck ng Bureau of Fire Protection para agad na apulahin ang apoy upang hindi makaperwisyo sa paligid.
Mar Gabriel