Sagot ng bise presidente sa summons ng impeachment court natanggap na ng prosecution team ng Kamara

Batangas Representative Gerville Luistro / Courtesy: House of Representative
Kinumpirma ni Batangas Representative Gerville Luistro, isa sa 11 house prosecution team, na natanggap na ng Kamara ang Ad Cautelam reply ni Vice President Sara Duterte, sa summon na ipinadala ng impeachment court ng Senado para sagutin ang Article of Impeachment.
Sinabi ni Luistro na sasagutin din ito ng prosecution team ng Kamara sa loob ng limang araw na palugit na ibibigay ng impeachment court.
Pahayag ni Luistro tungkol sa Ad Cautelam ni VP Sara Duterte:
“We confirm having received the answer Ad Cauteman of the Vice President. The entire prosecution team is currently studying each and every allegation contained in the answer. Certainly we will be filing a reply withing 5 days from receipt as provided in the rules.”
Batay sa 35 pahinang Ad Cautelam answer ni VP Sara sa pamamagitan ng kaniyang abogado, hiniling ng kampo ng bise presidente sa impeachment court na ibasura ang Article of Impeachment na inihain ng Kamara sa Senado, dahil ito umano ay labag sa Saligang Batas lalo na ang probisyon ng one year bar rule sa ilalim ng section 3 paragraph 5 ng article 11 ng 1987 Constitution, na isang beses lamang maaaring magsampa ng impeachment complaints sa isang impeachable official kada taon.
Magugunitang apat ang impeachment case na inihain sa Kamara at ang tatlo ay hindi inaksiyunan, at tanging ang pang-apat ang ipinadala sa Senado ng 215 mga kongresista.
Vic Somintac