Sampu pang Omicron variant cases, kinumpirma

Photo: pna.gov.ph

Iniulat ng Department of Health (DOH), University of the Philippines-National Institutes of Health ang pagkaaka-detect sa pitong imported cases at tatlong local cases ng 0micron variant ng Covid-19.

Kabilang sa pito ang anim na nagbabalik na overseas Filipino at isang Malaysian national.

Tatlo sa mga ito ay dumating mula sa Estados Unidos, lulan ng Philippine Airlines Flight PR 127 noong December 16 at PR 103 noong December 15.

Dalawa ay dumating mula sa United Kingdom sakay ng connecting flights ng Singapore Airlined Flight SQ 910 noong December 15 at Emirates Airlines Flight EK 332 noong December 9.

Ang isa pang kaso ay dumating mula sa United Arab Emirates lulan ng Philippine Airlines Flight 659 noong December 19 at ang ika-7 imported case ay nagmula naman sa Ghana sakay ng connecting flight ng Qatar Airways Flight QR 930 noong December 14.

Ang mister ng ika-4 na Omicton case na una nang nai-anunsiyo ay kabilang sa pitong kasong nabanggit.

Kasalukuyang bineberipika ng DOH ang test results at health status ng lahat ng co-passengers para malaman kung may iba pang kumpirmadong kaso o mga pasaherong asymptomatic pagdating sa bansa.

Dalawa naman sa tatlong local Omicron case ay mula sa Bicol region habang ang isa ay mula sa National Capital Region (NCR), isang 42-anyos na lalaki na nagpositibo noong December 3 at gumaling na noong December 17.

Gumaling na rin ang dalawang Bicol Region cases, isang 27-anyos na babae na nagpositibo nong December 14 at isang 46-anyos na babae.

Iniimbestigahan na rin ng Regional Epidemiology and Surveillance Units ang local cases, at tini-trace ang lahat ng posibleng naging close contact nila.

Ayon sa DOH habang kailangan pa ng mas tiyak na datos, may mataas na posibilidad ng local transmission.

Mag-aanunsiyo pa ng dagdag na mga detalye sa regular na DOH Media Forum sa Lunes.

Kaugnay ng detection ng local cases ng Omicron, mahigpit na nagbabala ang DOH laban sa pagwawalang bahala sa minimum public health standards at testing, isolation o quarantine protocols.

Please follow and like us: