SC itinakda na sa Hunyo ang preliminary conference sa electoral protest ni BBM laban kay VP Robredo
Nagtakda na ang Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ng preliminary conference sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay matapos aprubahan ng PET ang mosyon ni Marcos.
Itinakda ng Tribunal sa June 21, 2017 sa ganap na alas dos ng hapon ang preliminary conference.
Pero nagpasya ang PET na pagsabayin ang preliminary conference sa parehong protesta ni Marcos at counter protest naman ni Robredo para mapabilis ang resolusyon ng parehong kaso.
Inatasan naman ng PET ang parehong kampo na maghain ng kani -kanilang preliminary conference briefs limang araw bago ang prelim conference.
Sa kanyang mosyon, binanggit at ikinumpara ng dating Senador ang preliminary conference noon sa protesta ni dating Interior Secretary Mar Roxas na itinakda ng PET dalawang buwan matapos isampa ang poll protest laban kay dating Vice-President Jejomar Binay.
Pero ang protesta na inihain ni Marcos noon pang Setyembre ng nakaraang taon ay hindi pa rin isinasalang sa nasabing pagdinig.
Iginiit ni Marcos, layunin ng preliminary conference na mapabilis ang proseso para malaman ang tunay na boses ng mamamayan sa nangyaring eleksyon.
Ulat ni: Moira Encina
