Sen. de Lima, binisita sa kulungan ng LP Senators

0
custodial

Isang araw bago ang pagbabalik ng sesyon bukas, Binisita ng ilang Senador na Miyembro ng oposisyon si Senadora Leila de Lima sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame.

Halos isang oras lang ang itinagal ng pagdalaw nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Antonio Trillanes at Risa Hontiveros.

Ayon kay Drilon, tinalakay nila kay de Lima ang magiging legislative agenda ng oposisyon sa susunod na limang linggong sesyon ng Senado.

Kasama sa kanilang napag-usapan ang balakin ni de Lima na dumulog sa Korten para hilingin na pansamantala siyang makalaya kapag isinalang na sa deliberasyon at botohan sa plenaryo ang mga kontrobersyal na panukalang batas.

 “We will petition the court. She is under the custody of the court. So we will petition the court or Sen. De Lima will petition the court and we will support the petition”. –Sen. Drilon

 Imposible ang nais ni de Lima na regular na makadalo ng sesyon kaya ang kanilang magiging petisyon ay makadalo ito kapag botohan na sa mga krtikal na panukala.

Ilan sa mga panukalang hinaharang ng oposisyon ang pagbabalik ng parusang bitay, ibaba ang edad ng mga batang maaring sampahan ng kaso at ang isinusulong na pagpapaliban ng Baranggay at SK elections sa Oktubre.

Sabi ni Pangilinan, haharangin nila sakaling i-akyat na sa Senado ang panukala na ibaba ang criminal liability.

Nauna nang inupakan ni Pangulong Duterte si Pangilinan na author ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act  dahil nagagamit ang mga bata ng mga drug syndicate at iba pang grupo ng mga kriminal.

“Tayo ay naniniwala na marami dito sa mga naglalakas na loob na menor de edad ay hawak ng mga sindikato ng mga korap na opisyal ng pamahalaan o mga pulis dapat yun ang habulin at hindi mga kabataan na menor de edad/wala pang 2 percent ng crimes ay committed by minors in other words 98. Something percent ay adult offenders paanong magkakaroon ng laganap na lawlessness kung wala pang 2 porsyento ang nako commit nitong mga minors”. – Sen. Pangilinan

Sa ngayon ayon sa mga Senador, maayos naman ang kundisyon ni de Lima at nabawasan din  ang stress nito.

Abala ito ngayon sa pagbabasa ng mga libro at pagsubaybay sa mga nangyayari sa kampanya ng gobyerno kontra droga.

“Nag exercise siyempre kumakain dapat sa tamang oras. Nagbabasa ng maraming babasahin kasi kahit papano sinusubaybayan niya yung mga balita na hatid ninyo at kaya din siya nakakapagpahayag ng mga position nya sa ilan sa mga burning issues na ito “. – Sen. Hontiveros

Ulat ni: Mean Corvera

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *