Sen.de Lima, umaming hindi niya sa harap ng notaryo nilagdaan ang mga dokumento para sa petisyong inihain niya sa SC
Inamin ni Senadora Leila de Lima na hindi niya nilagdaan sa harap ng notaryo ang dokumento sa kanyang petisyon na inihain sa Korte Suprema kaugnay sa kasong iligal na droga.
Partikular na rito ang verification at certification against forum shopping na kanyang isinumite kasabay ng kanyang petisyon sa Korte Suprema.
Sa kanyang isinumiteng memorandum sa Korte Suprema, sinabi ng Senadora na dahil siya ay inaresto at nakulong na sa Kampo Crame noong Pebrero 24 nang pumunta doon ang notary public na si Atty. Maria Cecile Tresvalles-Cabalo ay hindi na niya ito aktwal na nakaharap para lagdaan ang dokumento.
Pero nilinaw ni de Lima na agad ipinirisinta sa notaryo ang kanyang lagda at bineripika rin ni Cabalo ang signature at pagkakakilanlan niya mula sa kanyang mga staff.
Dahil dito genuine at valid aniya ang kanyang petisyon sa Korte Suprema.
Iginiit pa ni de Lima na trivial at irrelevant ang akusasyon na pineke niya ang naturang dokumento.
Ulat ni: Moira Encina
