Sen. Lacson kinastigo ang PNP matapos idepensa ang mga pulis na may pakana ng secret jail sa MPD Station 1
Inupakan ni Senador Panfilo Lacson si PNP Chief Ronald dela Rosa matapos idepensa ang mga pulis na naglagay ng secret jail sa Manila Police District Station 1.
Ayon kay Lacson, hindi tamang kinukunsinte pa ni dela Rosa ang paglalagay ng secret jail dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng saligang batas.
Nauna nang sinabi ni dela Rosa na walang masama sa secret jail at walang ginagawang kalokohan ang kaniyang mga tauhan.
Pero giit ni Lacson hindi dapat maging arogante si dela Rosa at dapat patawan ng parusa ang mga pulis.
Malinaw aniyang nagkaroon ng paglabag sa batas ang mga ito at dapat lang silang papanagutin ng PNP leadership.
Ulat ni : Mean Corvera
