Senado magpapatawag ng all member caucus para talakayin ang idineklarang Martial Law ni Pangulong Duterte
Magpapatawag ng all member caucus ngayong hapon ang Senado para talakayin ang idineklarang Martial Law ng Pangulo sa Mindanao.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, batay sa proseso, obligadong magsumite ng written report o maaring personal na magreport ang Pangulo sa kongreso para idetalye ang batayan ng pagdedeklara ng Martial Law.
Pero hindi na obligadong magsagawa ng joint session ang kongreso para talakayin pa ang nilalaman ng report ng pangulo.
Ipinapatawag aniya ang joint session kung may isang mambabatas na maghahain ng mosyon para ipa revoke o palawigin pa ang deklarasyon ng batas militar.
One hundred sixty one o simple majority ang kakailanganing boto bago tuluyang maipa revoke ang deklarasyon ng Martial Law.
Pero kung si Senador Francis Escudero ang masusunod, kahit walang tumututol, nais pa rin nitong mag convene ang kongreso para matalakay ang Martial Law declaration at matiyak na walang mangyayaring mga pag-abuso.
Ulat ni: Mean Corvera
