Sistematikong pagbibigay ng sariwang impormasyon sa Marawi Siege uumpisahan na ng Presidential Communications Office ngayong araw
Magtatatag ang Presidential Communications Office o PCO ng Mindanao Hour Communications Center sa Davao City.
Sinabi ni Secretary Martin Andanar lahat ng impormasyon na may kaugnayan sa anumang development o update sa conflict areas sa Mindanao lalo na sa Marawi City ay daraan sa nabanggit na communication center.
Inihayag ni Andanar na bukod sa Mindanao Hour Communication Center na kanyang pangangasiwaan, magkakaroon din ng Iligan Mindanao Hour Communication Center na pamumunuan naman ni PIA Director General Harold Clavite.
Ipinaliwanag ni Andanar na layunin ng nasabing hakbang na makapagbigay ng eksaktong impormasyon sa publiko gayundin sa mga mamamahayag patungkol sa ginagawa ng gobyerno para matugunan ang tensiyon sa Marawi.
Bahagi rin ng hakbang ng PCO para sa mas accurate information dissemination patungkol sa Marawi siege ay ang pagtatalaga ng Maranao Civilian Spokesperson na papangalanan sa lalong madaling panahon.
Ulat ni: Vic Somintac