Substitute Bill para sa pagpapanagot sa mga batang nasasangkot sa krimen aprubado na sa subcommittee ng Kamara
Inaprubahan na ng House Subcommittee on Correctional Reforms ang substitute Bill ng panukala para sa pagpapanagot sa mga batang nasasabit sa krimen.
Sa ilalim ng inaprubahang compromise version ng technical working group hindi na ibababa sa kasalukuyang umiiral na labinlimang taon ang edad para sa criminal responsibility.
Sa panukala, magiging mandatory na ang rehabilitasyon sa Bahay Pagasa Center ng DSWD ng mga batang labinlimang taong gulang na lalabag sa batas.
Wala namang tumutol sa botohan sa mga miyembro ng subcommittee pero nag abstain si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.
Kinukwestyon ni Zarate kung papaano popondohan ang implementasyon ng panukala kung maging batas ito.
Sa panig naman ni Buhay Rep. Lito Atienza, iginiit nito na dapat panagutin ang mga magulang ng mga menor de edad na gumagawa ng krimen.
Hindi kuntento si Atienza sa bahagi ng substitute Bill na isasailalim lamang sa seminar ang mga magulang ng batang lumalabag sa batas.
Paliwanag naman Deputy Speaker Pia Cayetano, hindi lusot sa pananagutan ang mga magulang dahil kung hindi maging responsable ang mga ito ay ang estado na ang magte take-over sa responsibilidad ng mga ito.
Kung hindi rin sila dadalo sa seminar o training, may katapat na itong criminal sanction.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo