Supreme Court, pinabulaanan ang pahayag ni Senator Hontiveros

Pinabulaanan ng Korte Suprema ang pahayag ni Senator Risa Hontiveros tungkol sa pagbaliktad umano ng Supreme Court sa isang unanimous decision noong 2009.
Nilinaw ng Korte Suprema na hindi unanimous ang desisyon nila sa isang kaso noong 2009 na binanggit ng Senador sa panahon ng botohan sa Senado kaugnay sa isyu ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Pahayag ng SC sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita na si Atty. Camille Ting, sinabi nito na ang ruling nila sa kaso ng League of Cities ay hindi unanimous. Aniya, hindi nila alam kung saan nakuha ni Hontiveros ang claim nito na ang desisyon ng Korte Suprema ay unanimous.
Payo nila, para sa mga kopya ng desisyon at resolusyon ay pwede itong tingnan sa Supreme Court e-library at Philippine reports.
Sa botohan sa Senado, sinabi ni Hontiveros na may pagkakataong binaliktad ng Kataas-taasang Hukuman ang kanilang unanimous decision gaya sa League Of Cities vs. Comelec, na binaliktad umano nito ang desisyon noong 2009 nang may naghain ng Motion for Reconsideration.
Madelyn Villar-Moratillo