VP Robredo nagbayad na ng inisyal na ₱8M na counter-protest fee sa Korte Suprema
Naglagak na sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ng inisyal na walong milyong pisong deposito si Vice-President Leni Robredo para sa kanyang counter-protest laban kay dating Senador Bongbong Marcos.
Kasama ni Robredo na nagtungo sa Korte Suprema at nagbayad ang kanyang mga abogado at iba pang mga taga-suporta.
Tumalima sa kautusan ng PET si Robredo na magbayad ng counter-protest fee matapos na ibasura ang kanyang apela.
Ayon sa abogado ni Robredo na si Barry Gutierrez, nanggaling ang perang ibinayad ni Robredo mula sa personal funds nito at perang hiniram sa mga kaanak ng pumanaw niyang asawa na si dating Interior Secretary Jesse Robredo.
Kabuuang 15.43 million pesos ang ipinababayad na counter- protest fee ng PET kay Robredo.
Sa July 14 ang deadline ng second installment ng bayad ni Robredo na 7.43 million pesos.
Mahigit 8,000 clustered precincts na binubuo ng 31,278 presinto ang sakop ng counter protest ni Robredo laban kay Marcos.
Ang protest fee ang gagamitin ng PET para sa retrieval ng mga kinukwestyong ballot boxes at election documents.
Iginiit ni Robredo na nanalo siya ng tapat at patas sa eleksyon sa pagka-bise presidente noong 2016 elections.
Ulat ni: Moira Encina
