SC pinuri ang paglagda sa batas na nagpapalawig sa hurisdiksyon ng trial courts sa buong bansa
Ikinalugod ng Korte Suprema ang pagsasabatas ng RA 11576 na nagpapalawig sa hurisdiksyon ng mga trial courts sa buong bansa.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, sa pamamagitan ng bagong batas ay na-adjust na ang jurisdictional amounts ng mga trial courts sa antas na mas akma sa kasalukuyang lagay ng ekonomiya at property valuation sa bansa.
Sinabi pa ni Gesmundo na tiyak na makatutulong ang nasabing batas para ma-declog ang mga dockets ng second-level courts na magbibigay daan sa mas mabilis na pagdedesisyon sa mga kaso at mas maayos na paggawad ng hustisya.
Sa ilalim ng batas, tinaasan ang jurisdictional amount na cognizable ng regional trial courts sa lahat ng civil actions ukol sa titulo o possession ng real property o alinmang interes sa P400,000 mula sa dating halaga na P20,000 (P50,000 sa Metro Manila) maliban sa forcible entry into at unlawful detainer ng lupa at gusali na mananatili ang orihinal na hurisdiksyon sa first-level courts.
Tinaasan din ang hurisdiksyon ng RTCs sa lahat ng aksyon at maritime jurisdiction kung saan ang demand o claims ay lagpas sa P2,000,000 mula sa datint P100,000 (P200,000 sa MetroManila).
Maging ang lahat ng ukol sa testate at intestate probate kung saan ang gross value ng estate ay higit sa P2,000,000 mula sa dating P100,000 (P200,000 sa Metro Manila); at sa lahat ng kaso kung saan ang demand, exclusive of interest, damages , attorney’s fees, litigation expenses at costs o value ng property in controversy ay lagpas sa P2,000,000 mula sa dating P100,000.
Partikular na pinasalamatan ni Gesmundo si Sen. Richard Gordon na nagsulong para maaprubahan ang panukalang batas.
Gayundin, ang mga lider ng Senado at Kamara at ang lahat ng mambabatas na sinuportahan ang panukala.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noon July 30, 2021.
Ang huling pagkakataon na may ipinasang batas na nag-a-adjust sa hurisdiksyon ng first- at second-level courts ay noon pang March 20,1999.
Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o dalawang pahayagan na may general circulation.
Moira Encina