ITCZ, umiiral sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao; Typhoon Mindulle, posibleng pumasok sa PAR sa Martes o Miyerkules
Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) ang umiiral sa Timugang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao ngayong Linggo.
Ayon sa PAGASA, asahan ang mga pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa Palawan area, buong bahagi ng Visayas, Zamboanga Peninsula, CARAGA at Northern Mindanao.
Inaabisuhan ang mga residente ng mga nasabing lugar na mag-ingat at maging alerto sa mga posibleng lagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, sa nalalabing bahagi naman ng bansa kasama ang Metro Manila ay bahagyang maulap ang panahon na may mga tsansa ng mga pulu-pulong pag-ulan sa dakong hapon at gabi.
Ngayong araw, asahang papalo ng hanggang 33 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila, Baguio city-26 degrees at Tuguegarao-33 degrees.
Malaya ring makapapalaot ang mga mangingisda at mga may maliliit na sasakyang pandagat dahil walang nakataas na gale warning sa mga baybayin ng bansa.
Samantala, ang binabantayang si Typhoon Mindulle ay huling namataan sa layong 1,650 km East ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 165 km/h at pagbugso ng hanggang 205 km/h.
Ayon sa weather bureau, posibleng sa Martes o Miyerkules ay papasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo pero hindi ito direktang makakaapekto sa bansa maliban na lamang sa magiging maalon ang mga karagatan.