Bakuna ng Pfizer, mabisa para maiwasan ang severe Covid ayon sa pag-aaral
Lumitaw sa ginawang analysis sa US patients, na hindi bababa sa anim na buwan ang bisa ng bakunang gawa ng Pfizer laban sa severe Covid, kabilang na ang Delta variant.
Bagama’t sa naunang datos mula sa clinical trials ay lumitaw na ang bakuna ay nagbibigay proteksiyon para maiwasan ang pagpapa-ospital, sa pag-aaral na inilathala sa Lancet ay sinukat ang bisa ng bakuna sa paglipas ng panahon sa real-world setting.
Tiningnan ng Pfizer at healthcare provider na Kaiser Permanente ang records mula sa 3.4 million residents ng southern California, kung saan nasa 1/3 ang nakakumpleto ng bakuna sa pagitan ng December 2020 at August 2021.
Makalipas ang average period na 3-4 na buwan, ang mga fully vaccinated ay natagpuang 73% protected laban sa impeksiyon at 90% protected naman laban sa hospitalisation.
Ngunit habang ang proteksiyon laban sa infection mula sa Delta ay bumaba ng 40% sa nakalipas na 5 buwan, ang proteksiyon laban sa hospitalisation na kinapapalooban ng mga kaso mula sa lahat ng variants, ay namamalaging napakataas sa panahon ng pag-aaral.
Ang resulta ayon sa pag-aaral, ay consistent sa preliminary data mula US at Israeli health authorities.
Sa konklusyon ng mga may-akda ng pag-aaral . . . “Reduced infection defence is likely to be primarily due to waning vaccine effectiveness rather than the delta variant escaping vaccine protection.”
Dagdag pa nito . . . “Our findings underscore the importance of monitoring vaccine effectiveness over time and suggest that booster doses are likely to be needed to restore the initial high amounts of protection observed early in the vaccination programme.”
Noong Agosto, pinayagan ng US na bigyan ng extra dose ng Covid-19 vaccine ang may mahihinang immune systems, habang sa France naman ang extra shot ay ibinigay sa mga matatanda.
Sa Israel, ang third dose ay inialok sa mga batang edad 12 at pataas, limang buwan matapos nilang mabigyan ng 2nd dose.
Gayunman, sa report ng World Health Organization nitong Setyembre, nakasaad na ang kasalukuyang bakuna ay sapat na ang bisa laban sa severe Covid kayat hindi na kailangan ang 3rd dose para sa general population.
Nitong nakalipas na buwan, nanawagan ang WHO sa pagpapatupad ng moratorium sa booster shot hanggang sa katapusan ng taon, para matugunan ang hindi pagkakapantay sa distribusyon ng bakuna, sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na mga bansa.