Senatoriables na naghain ng COC, dumagsa ngayong araw
Isang araw bago ang deadline ng paghahain ng Certificate of Candidacy, dumagsa ang Senatoriables na naghain ng kanilang kandidatura sa Commission on Elections.
Balik pulitika si dating Vice-President Jejomar Binay na tatakbo na rin sa Senatorial race sa ilalim ng tambalan nina Senador Ping Lacson at Vicente Sotto.
Mula sa pagiging kinatawan ng Taguig, nais rin ni Congressman Alan Peter Cayetano na bumalik sa Senado.
Kakandidato rin bilang Senador ang broadkaster at dating Vice-President Noli de Castro.
Muli namang susubukan ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang posisyon sa pagka-Senador na kumandidato na noong 2019 pero natalo.
Natalo na rin noong 2019 na kumandidato sa opposition slate na Otso Diretcho ang human rights lawyer na si Atty. Jose Manuel Chel Diokno pero muling sasabak sa eleksyon sa susunod na taon.
Sa ngayon, aabot na sa 76 ang mga naghain ng COC sa pagka-Senador.
Meanne Corvera