DOH iniimbestigahan na ang halos 150 libong COVID-19 vaccine na nadamay sa sunog sa Zamboanga del Sur
Iniimbestigahan na ngayon ng Department of Health ang nangyaring sunog sa vaccine storage sa Zamboanga del Sur kung saan nasa humigit kumulang 150 libong doses ng COVID-19 vaccine ang nasayang.
Sa Kapihan sa Manila Bay News forum, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nais nilang matukoy kung sino ang may kasalanan kung bakit nasayang ang mga bakuna.
Kailangan aniyang mabigyang linaw kung bakit nasa storage pa ang mga nasabing bakuna gayong dapat ito ay naipamahagi na sa mga lokalidad roon.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19, kabilang sa nadamay sa sunog ay 88,938 doses ng bakuna ng Pfizer-BioNTech, 36,164 doses ng Sinovac vaccine, 14,400 doses ng Moderna, at 9,176 doses ng AstraZeneca.
Bukod rito may mga bakuna rin para sa routine immunization gaya ng polio ang nadamay sa sunog.
Tiniyak naman ng NTF na papalitan nila ang mga nasirang bakuna sa oras na maiayos na ang bagong cold storage na paglalagyan nito.
Madz Moratillo