SC pinagtibay ang pagbasura sa reklamong forcible entry at damages laban sa BCDA
Kinatigan ng Korte Suprema ang dismissal sa reklamong forcible entry at damages na inihain laban sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ukol sa lot property sa Makati City.
Ang bahagi ng nasabing lote ay property ng Joint US Military Group (JUSMAG).
Sa resolusyon ng SC Third Division, pinaboran nito ang mga ruling ng Court of Appeals noong 2017 at 2018 na nagpapatibay sa desisyon ng Makati City Metropolitan Trial Court (MeTC) Branch 64 noong 2013 na nagbabasura sa nasabing reklamo laban sa BCDA.
Ayon sa mga petitioners na sina Severino Balmaceda, et al., sila ang lehitimong occupants ng nasabing property sa Makati na kanilang inookupa sa loob ng 30 taon at may consent ng rehistradong owner na si Agustina Alfabeto, lola ng isa sa mga petitioners na si Jacobina Alcantara.
Iginiit naman ng BCDA na fraudulent ang claim ng ownership ni Jacobina dahil ang naturang property ay military reservation mula pa noong 1950s alinsunod sa deklarasyon ni dating Pangulong Carlos P. Garcia sa ilalim ng Proclamation No. 423.
Sumang-ayon ang SC sa findings ng lower courts na ang nasabing pagbenta sa kinukuwestiyong property ay void dahil ito kinasasangkutan ng government property na hindi maaaring isailalim sa private appropriation.
Moira Encina