Ford, kinumpirma ang pagtanggal sa 3,000 jobs
Kinumpirma ng US auto giant na Ford, na aalisin na nito ang nasa 3,000 trabaho na karamihan ay sa North America at India,, habang isinusulong ng kompanya ang transition sa electric vehicles.
Dahil na-challenge sa Tesla at iba pang start-ups, pinabilis ng tradisyunal na carmakers ang produksiyon ng kanilang electric models sa nakaraang mga taon.
Ang restructuring ay kinapapalooban ng 2,000 salaried positions at 1,000 contractors na karamihan ay sa Estados Unidos, Canada at India pero hindi naman makaaapekto sa factory workers, ayon sa isang tagapagsalita.
Una nang iniulat ng US media noong Hulyo, na ang Ford na mayroong nasa 182,000 empleyado sa buong mundo, ay naghahandang magbawas ng ilang libong trabaho.
Sinabi ni Ford president at CEO Jim Farley, “We absolutely have too many people in certain places, no doubt about it. We have skills that don’t work anymore… and we have jobs that need to change.”
Subali’t hindi niya tinukoy ang bilang ng mga posisyong aalisin. Dati na ring nabanggit ng automaker na plano nitong gumugol ng $50 Billion sa produksiyon ng electric vehicle pagdating ng 2026, at noong Marso ay inanunsiyo ng Ford na target nitong bawasan ang paggasta sa traditional vehicles ng hanggang $3 Billion kada taon.
Sinabi pa ng tagapagsalita, “The job cuts announced Monday are consistent with what we have been describing for quite some time and are intended at making Ford more efficient.”
© Agence France-Presse