Road safety education, ipinasasama sa DepEd curriculum
Isinusulong ng grupong Road Safety Advocates (RSA) na maisama sa curriculum ng senior high school ang road safety education.
Sinabi ni Atty. Alex Abaton ng RSA, sa pamamagitan ng tamang kaalaman ng mga estudyante sa road safety ay mababawasan ang mga nangyayaring aksidente sa mga lansangan.
Sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA) umabot sa 1,760 na mga kabataan ang namatay sa mga aksidente sa pedestrian noong 2022 na karamihan sa mga ito ay nasa edad 1-taon hanggang 15-taong gulang.
Inihayag ni Abaton dahil sa kawalan ng tamang edukasyon sa road courtesy at road safety karaniwang naaksidente ay motorcycle riders, cyclists at pedestrians.
Niliwanag ng RSA na dapat ding magkaroon ng single agency ang gobyerno na magpapatupad ng road safety dahil sa ngayon masyadong magulo dahil may kanya-kanyang regulasyon na ipinatutupad ang Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG)at mga Local Government Units o( LGUs).
Vic Somintac