Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon, pinatawan ng disbarment ng SC

Photo courtesy of eaglenews.ph

Tuluyan nang na-disbar o tinanggalan ng lisensya ng Korte Suprema bilang abugado si Atty. Lorenzo “Larry” Gadon, na kamakailan lamang ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation.

Sa botong 15-0, unanimous ang naging desisyon ng mga mahistrado na tanggalan ng lisensya si Gadon dahil sa viral video nito kung saan pinagmumura ang isang mamamahayag.

Una nang pinatawan ng preventive suspension ng SC noong nakaraang taon si Gadon dahil sa isyu.

Sinabi ng Mataas na Hukuman na iskandaloso ang video clip na sumisira sa legal profession na lumabag sa probisyon ng Code of Professional Responsibility and Accountability ng mga abugado.

Dagdag pa ng SC na walang puwang sa legal profession ang misogony at sexism.

Hindi rin umano nito papahintulutan ang anumang uri ng pang-a-abuso mula sa mga abugado.

Maghaharap naman ng motion for reconsideration si Gadon sa SC ruling dahil masyado aniyang mabigat na parusa ang disbarment para sa sinasabing sanhi nito.

Tiniyak naman ni Gadon na walang epekto sa kaniyang bagong posisyon ang desisyon ng Mataas na Hukuman.

Bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation, unang tututukan ni Gadon ang nutrition program na tatawaging Batang Busog, Malusog o BBM program na planong ilunsad sa Hulyo kasabay ng Nutrition Month.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *