‘Utak’ sa MSU bombing napatay sa Lanao del Sur military ops: AFP
Napatay sa military operations kamakailan, ang “utak” sa madugong Mindanao State University (MSU) bombing sa Marawi noong isang taon, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa Pahayag ay sinabi ng AFP na si Khadafi Mimbesa alias ‘Engineer,’ ay kabilang sa “na-neutralize” sa operasyon na pinangunahan ng Philippine Army 103rd Brigade, sa pamumuno ng kanilang kumander na si Brig. Gen. Yegor Rey Barroquillo, Jr., sa lalawigan ng Lanao del Sur mula Enero 25-26.
Ayon sa AFP, si Mimbesa ay napaulat na amir ng Dawlah Islamiyah terror group.
Dagdag pa nito, “Statements from a surrendered terrorist, identified as KHATAB, a high-value individual in the DI-Maute Group who surrendered to the 2nd Mechanized Brigade on February 11, have corroborated the initial information on demise of the DI-Maute Group Amir and the mastermind behind the MSU bombing.”
Narekober sa isinagawang military operations ang siyam na high-powered firearms, apat na Baofeng radios, isang smartphone, at iba pa.
Matatandaan na apat katao ang namatay habang mahigit sa 40 iba pa ang nasaktan matapos ang nangyaring pagsabog, sa Dimaporo Gymnasium ng MSU noong December 3, 2023.
Kinondena ni Pangulong Bongbong Marcos ang pambobomba at sinabing, “extremists who wield violence against the innocent will always be regarded as enemies to our society.”