Ninja cops wala na, Police scalawags ang meron – ayon sa Malakanyang
Wala na umano ang mga tinaguriang Ninja Cops na sangkot sa sindikato ng ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang mayroon na lamang ngayon ay mga police scalawags batay sa report ni Philippine National Police o PNP Chief General Oscar Albayalde kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Albayalde ay personal na nagreport kay Pangulong Duterte sa Malakanyang ukol sa isyu ng Ninja cops na nakalkal sa imbestigasyon ng Senado.
Ayon kay Panelo ang isyu ng Ninja cops ay nabuwag na noon pang panahon ni dating PNP Chief at ngayoy Senador Ronald Bato dela Rosa.
Inihayag ni Panelo na batay sa depinisyon ni General Albayalde ang Ninja cops ay mga pulis na miyembro ng sindikato ng ilegal na droga samantalang ang mga police scalawags ay indibiduwal na pulis na dumidiskarte sa pagbenta o nagbibigay proteksyon sa bentahan ng iligal na droga.
Ang sinasabi ni General Albayalde ay taliwas sa ibinigay na inpormasyon nina dating PNP CIDG Director at ngayoy Baguio City Mayor Benjamin Magalong at PDEA Director General Aaron Aquino sa executive session sa senado na pinagalanan pa ang mga tinaguriang Ninja cops.
Ulat ni Vic Somintac