Ilan pang Korte, nagsuspinde rin ng pasok dahil sa bagyong Quinta

Wala ring pasok sa ilang pang mga Korte sa bansa dahil sa bagyong Quinta.

Ang mga ito ay ang lahat ng hukuman sa San Jose, Antique at Calamba City, Laguna.

Sa liham ni Executive Judge Ernesto Abijay Jr. kay Court Administrator Jose Midas Marquez, ipinagbigay-alam nito ang suspensyon ng pasok sa San Jose, Antique Regional Trial Court at lahat ng mababang Korte sa ilalim ng kanyang hurisdiksyon.

Ito ay bunsod ng severe weather bulletin at heavy rainfall warning na inisyu ng Pag-Asa sa Antique.

Binanggit din ng hukom ang malakas na pag-ulan simula noong Linggo at mga pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan.

Sa memorandum naman ni Executive Judge Glenda Mendoza- Ramos, sinabi na suspendido ang trabaho sa Calamba City RTC at lahat ng first-level court na nasa ilalim ng kanyang huridisksyon para sa kaligtasan ng  mga kawani dahil sa masamang panahon dala ng bagyo.

Moira Encina

Please follow and like us: