Chinese skyscraper ininspeksyon matapos umuga
BEIJING, China (AFP) – Isang skyscraper sa southern China ang ininspeksiyon ng engineers, isang araw matapos magdulot ng panic ang biglang pag-uga nito kahit walang lindol.
Ang 300-meter (1,000 foot) SEG Plaza sa southern city ng Shenzhen, ay nagsimulang umuga kahapon ng hapon, sanhi para magpanic ang mga taong nasa loob ng gusali at mga nasa kalsada sa labas nito.
Agad na sinabi ng mga opisyal ng emergency management, na hindi lindol ang sanhi ng pag-uga ng nasabing gusali na nasa Futian district.
Ayon sa mga opisyal, wala nang iba pang na-detect na paggalaw at wala ring nakitang safety abnormalities sa main structure at surrounding environment ng SEG Plaza.
Huminto na sa pag-uga ang gusali nang makalikas na ang mga tao, ngunit nakasara pa rin ito.
Hindi na bago ang pagguho ng mga gusali sa China, kung saan kulang ang construction standards.
Ang hindi magandang construction standards ay malimit na iniuugnay sa korapsiyon ng mga lokal na opisyal, laluna noong matapos gumuho ang isang quarantine hotel sa southern China noong isang taon.
Ang tower na natapos noong 2000, ay tahanan ng pangunahing electronics market maging ng iba’t-ibang mga opisina sa central business district ng Shenzhen, isang syudad na may higit 13 milyong populasyon.
Ang gusali ay ipinangalan sa semiconductor at electronics manufacturer na Shenzhen Electronics Group, na ang mga tanggapan ay nakabase sa complex.
Ito ang ika-18 pinakamataas na tower sa Shenzhen ayon sa Council on Tall Buildings and Urban Habitat skyscraper database.
Noong isang taon ay ipinagbawal na ng Chinese authorities ang konstruksiyon ng skyscrapers na mas mataas kaysa 500 meters, na karagdagan sa height restrictions na ipinatutupad na sa iba pang siyudad gaya ng Beijing.
@Agence France-Presse