TS Dante, patuloy na magpapaulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong araw; isa pang LPA sa labas ng PAR, namonitor ng PAGASA
Bagamat nasa karagatan pa rin ang sentro ng Tropical Storm Dante, nagdudulot na ito ng mga pag-ulan at matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao simula pa kahapon.
Ayon sa PAGASA, apektado ng outer rain bands nito ang Eastern at Central Visayas at nakararanas na ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ngayong araw.
Apektado rin ang mga rehiyon ng Caraga at Davao, SOCCSKSARGEN, at mga lalawigan ng Bukidnon at Misamis Oriental.
Malaki ang posibilidad ng malawakang pagbaha s amga nasabing lugar kasama ang flash floods at landslides at pag-apaw ng mga ilog lalu na sa mga hazard-prone areas.
Pinapayuhan ang mga Disaster Risk Reduction and Management offices na maghanda at gawin ang lahat ng hakbang upang maprotektahan ang buhay at mga ari-arian.
Pinapayuhan din ang mga residenteng naninirahan sa mga apektadong lugar na mag-ingat at sumunod sa mga otoridad sakaling kailanganing lumikas.
Sa 11:00 am update ng weather bureau, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 515 kilometers East Northeast ng Davao city o 445 kilometers East ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour at pagbugso ng hanging aabot sa 90 kph.
Samantala, isa pang Low Pressure Area ang binabantayan ng PAGASA na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility at nasa layong 1,890 Silangan ng Mindanao.
Wala pa itong direktang epekto sa bansa at sa ngayon ay maliit pa ang tsansa na maging isang bagyo.