Abusadong pulis sa viral video, sinampahan na ng reklamo sa prosecutors office

Photo: PNP-QCPD
Sinampahan na ng reklamong kriminal ng Quezon City Police District (QCPD), ang abusadong pulis sa viral video na nakuhanang lasing at pumasok sa bahay ng isang residente sa Barangay Damayan, Quezon City.
Sinampahan sya ng reklamong paglabag sa RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act), kasong Violation of Domicile, physical injury at grave threat.
Nakilala ang pulis na si Police Staff Sergeant Colonel Jordan Marzan, na nakatalaga sa police station 2 na agad ding naaresto ng mga kapwa niya pulis at dinisarmahan.

Inihahanda na rin ng PNP ang kasong administratibo na isasampa sa kaniya.
Base sa inisyal na imbestigasyon, may hinahanap na isang nagngangalang “dimple” ang nasabing pulis sa bahay an kaniyang pinasok, na umanoy nagkakalat na sangkot sya sa ilegal na droga.
Nakipagpambuno pa umano ang pulis sa mga biktima at tinangkang agawin sa kanila ang kanilang cellphone.
Dahil sa insidente, sinibak sa pwesto ang hepe ng QCPD na si Brig. Gen. Melecio Buslig, Jr.
Paliwanag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Anthony Aberin, pinatawan ng administrative relief si Buslig dahil sa kabiguan nito na i-report agad ang insidente.

Nalaman umano ni Gen. Aberin ang pangyayari sa pamamagitan ng report ng station commander.
Gayunman, pansamantala lamang umano ito habang gumugulong ang imbestigasyon.
Sakaling mapatunayan na may ginawa naman aksiyon si Buslig, ay agad din siyang ibabalik sa puwesto.
Sa isang mensahe, tumanggi nang magkomento ni Buslig at sinabing nirerespeto niya ang command decision.
Mar Gabriel