Atty Harry Roque naghain ng kontra-salaysay sa reklamong qualified human tracfficking; kinumpirmang wala na siya sa Pilipinas

Courtesy: Atty. Harry Roque FB

“I’m still outside the country.”

Ito ang kinumpirma mismo ni Atty. Harry Roque sa Zoom press conference nito matapos na isumite ng kaniyang mga abogado sa Department of Justice (DOJ), ang kontra-salaysay nito sa reklamong qualified human trafficking laban sa kaniya.

Tumanggi si Roque na sabihin kung nasaan siya at kung kailan siya umalis ng Pilipinas.

“No comment on that one.”

Kinumpirma naman ni Roque na sa Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, United Arab Emirates niya pinanumpaan ang kaniyang counter-affidavit ngunit wala na siya doon.

“Im no longer in Abu dhabi. I went to Abu Dhabi para masubscribe yan but I’m no longer in Abu Dhabi”

Sa pahayag naman ng Bureau of Immigration, walang rekord na umalis ng bansa si Roque.

“No recorded attempt to travel out of the country via official channel.”

Sa kaniyang kontra-salaysay na may petsang November 29, 2024, pinabulaanan ni Roque ang reklamo na qualified human trafficking na isinampa ng PNP- CIDG kaugnay sa POGO operations sa Porac, Pampanga.

Iginiit ni Roque na walang ebidensya na siya ay nagrecruit ng mga biktima, at hindi ilegal at walang masama sa pagsama niya noon kay Cassandra Ong sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng PAGCOR.

Ayon kay Roque, “Sa supplemental affidavit walang alegasyon na ako’y nagrecruit sa pamamagitan ng pananakot at panloloko. Dalawang bagay lang ang pinagbasehan ng CIDG at PAOCC para sampahan ako ng reklamo, yung pagsama ko kay Cassie Ong sa PAGCOR para magbayad sa pagkakautang nila at saka yung ako’y naging legal counsel.”

Samantala, sinabi naman ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na magpapatawag ng clarificatory hearing ang DOJ panel of prosecutors, para matiyak kung nasaan si Roque o kung ito ba talaga ang nanumpa sa counter- affidavit.

Ayon kay Fadullon, hindi nangangahulugan na tatanggapin kaagad ng mga piskal ang isinumite ng mga abogado ni Roque lalo na’t wala ito sa hurisdiksyon ng DOJ.

Sinabi ni Fadullon, “The purpose is to clarify certain issues and to find out really where is Mr. Harry Roque at this point in time. Under our rules, our prosecutors is gven the opportunity to examine whoever it is that submits counter affidavits, in this particular case the whereabouts of Atty. Harry Roque is unknown to us.”

Sinabi naman ni Roque na kaharap online ang mga piskal na wala siyang balak na dumalo sa clarificatory hearing o panumpaan muli ang kaniyang kontra-salaysay sa ibang embahada ng Pilipinas sa ibang bansa.

Ani Roque, “Hindi na po. Kung gusto nila na ma-verify na ako ay sumipot tawagan po nila yung consul na nagnotarize at tawagan din nila si Ambassador Ver na personally present noong ako po ay nanumpa. Pero wala sa rules na kailangan akong magpakita dahil ang rules specify that I should take an oath before a government personnel na may kapangyarihan na magbigay ng oath.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *