Batasang pambansa, handang handa na sa unang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 25

Nakahanda na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan isasagawa ang unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa July 25 ng taong kasalukuyan kasabay ng pagbubukas ng first regular session ng 19th Congress.

Sinabi ni House of Representatives Secretary General Mark Llandro Mendoza na mahigpit na ipatutupad ang health protocol sa loob ng Batasan Complex partikular na sa Plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Mendoza lahat ng dadalo sa SONA kasama ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng kongreso, cabinet officials, miyembro ng diplomatic corps, media at mga invited VIP guest ay sasailalim sa antigen at RT PCR swab test.

Inihayag ni Mendoza sa kabila ng paglobo ng kaso ng COVID-19 ay papayagan ang 100 percent capacity face to face sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na may seating capacity na 1,200.

Ang plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay sumailalim sa renovation at nilagyan ng mga health safety mechanism upang masigurong ligtas sa COVID-19 virus.

Vic Somintac

Please follow and like us: