Binatilyo, patay nang pagbabarilin sa Navotas City

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi nakilalang suspek ang 19-anyos na lalaking dinukot sa Navotas City.

Kinilala ang biktima na si Raymart Siapo, residente ng Barangay North Bay Boulevard South sa Navotas.

Ayon sa mga otoridad,  pasado alas-11 Miyerkules ng umaga nang dukutin ng mahigit 10 lalaking sakay ng 6 na motorsiklo ang biktima mula sa bahay ng isa nitong kaibigan.

 

Pawang armado ang mga suspek na nakasuot ng bonnet kaya walang nagawa ang mga kabarkada ni Siapo.

Kaninang umaga, Patay na ang teenager at may mga tama ng bala sa ulo nang matagpuan sa paradahan ng mga truck sa Galicia Extension sa kalapit na Barangay Bangkulasi.

Ayon sa isang saksi, 3 putok ng baril ang kanyang narinig sa lugar, Huwebes ng madaling-araw.

Wala namang makapagsabi sa pagkakakilanlan ng salarin.

Hindi maisip ng mga kaibigan ng biktima ang posibleng motibo sa pagdukot at pagpatay kay Siapo dahil bagamat posible anilang gumagamit ito ng marijuana ay hindi naman ito nagtutulak o lulong sa shabu.

Isang live ammunition at 2 sachet ng hinihinalang shabu ang narekober sa crime scene.

Please follow and like us: