CPP founder Joma Sison sinampahan ng mga reklamong human trafficking at child abuse sa DOJ ng isang rebel returnee

Hawak na ng Anti-Trafficking in Persons Task Force ng DOJ ang mga reklamong inihain ng rebel returnee at dating cadre ng CPP-NPA na si Lady Desiree Collado Miranda alyas Lady Miranda, Ka Gab at Ka Sheena.

Si Miranda ay una nang humarap sa pagdinig ng Senado ukol sa red-tagging sa mga aktibista.

Pangunahin sa mga sinampahan ng reklamo sa DOJ ni Miranda ay si CPP-NPA-NDF founder Jose Maria Sison.

Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, si Sison ay inireklamo ng mga paglabag sa human trafficking law dahil sa pag-recruit sa kabataan para sa armadong pakikibaka, at child abuse, cruelty at exploitation.

Kasama na sinampahan din ng reklamong human trafficking at child abuse si Redsa Balatan.

Ipinagharap din ng reklamong rape ni Miranda sina Rey Dela Pena alyas Reynaldo Santos, at Joel Caliwliw.

Si Miranda ay sinasabing ni-recruit sa NPA noong siya ay 14 na taong gulang ng militanteng grupong Anakbayan.

Binanggit niya rin sa Senate hearing na siya ay ginahasa ng tatlong beses bago siya umalis sa komunistang grupo.

Maging ang ibang babaeng NPA rebels aniya ay nakararanas ng parehong pag-abuso.

Batay sa complaint, naganap ang mga insidente ng trafficking, child abuse at rape noong March 2011 sa Angeles, Pampanga, April 2016 sa Nueva Vizcaya, June 2016 sa Nueva Ecija, March 2018 sa Nueva Ecija at April 2018 sa Pangasinan.

Sinabi ni Prosecutor General Malcontento na rerebyuhin ng Anti-Trafficking in Persons Task Force ang reklamo at pagkatapos ay magtatalaga ng piskal o panel of prosecutors para magsagawa ng preliminary investigation.

Sa isasagawang pagdinig ng DOJ ay aalamin ng piskal o ng panel of prosecutors kung may probable cause para isampa sa korte ang reklamo ni Miranda laban kina Sison.

Si Sison ay una nang tinukoy ng Anti-Terrorism Council bilang terorista kasama ang 18 iba pang Central Committee Members ng CPP-NPA at 10 local terrorist groups individuals.

Moira Encina

Please follow and like us: