DOJ inirekomendang sampahan ng kasong administratibo ang Judge na nag-isyu ng search warrant kina Supt. Marvin Marcos kaugnay sa Espinosa case

Pinasasampahan ng reklamong administratibo ng DOJ si Basey, Samar Regional Trial Court Executive Judge Tarcelo Sabare na nagpalabas ng search warrant sa kulungan ni dating Albuera, Leyter Mayor Rolando Espinosa.

Ito ay batay sa 24 na pahinang resolusyon ng DOJ kaugnay sa pagkakapaslang kina Espinosa at kasama nitong bilanggo na si Raul Yap sa isinagawang raid ng CIDG Region 8 sa selda ng mga ito sa Leyte Sub-provincial jail noong November 5, 2016.

Ang naturang search warrant na nakuha ng grupo ni dating CIDG Region 8 Chief Supt. Marvin Marcos ang ginamit na batayan para ma-raid nila ang kulungan nina Espinosa dahil sa impormasyong nagtatago ito ng baril at iligal na droga.

Pero ayon sa DOJ, may iregularidad at hindi na kailangan ng aplikasyon at pag-iisyu ng search warrant sa selda ni Espinosa dahil ang Leyte Provincial Jail ay isang detention facility ng gobyerno.

Maari naman makapasok sa kulungan ang grupo nina Marcos  sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa jail administrator.

Wala rin anilang maituturing na extreme urgency para ipatupad ng alas tres ng madaling araw ang search warrant sa kulungan nina Espinosa

May nakita rin ang DOJ na pag-abuso sa otoridad ng grupo ni Marcos nang kanilang ipatupad ang search warrant matapos nilang buksan ang gate ng selda.sa pamamagitan ng bolt cutter, at paluhurin at paharapin sa dingding ang mga jail guard.

Kasama ang kasong search warrant maliciously obtained na paglabag  sa ilalim ng Revised Penal Code sa isinampa ng DOJ sa korte laban sa grupo ni Marcos.

Samantala, Bibigyan ng DOJ ng kopya ng resolusyon ang Office of the Court Administrator para sa kaukulang hakbang na gagawin laban sa nasabing hukom.

Ulat ni: Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published.