DOJ pinag-aaralan ang pag-amyenda sa cybercrime laws para malabanan ang fake news

Inaalam na rin ng Department of Justice (DOJ) ang mga paraan na maaari nitong gawin para malabanan ang pagkalat ng fake news sa social media.
Kaunod ito ng babala ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., sa vlog nito kamakailan laban sa pagkalat ng mga maling balita o impormasyon sa panahon ng eleksyon at batikos nito laban sa “keyboard warriors.”
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, isa rin sa mga concern ng DOJ ay kung paano mas palalakasin ang laban sa paglaganap ng fake news na isa aniyang kasalanan.

Justice Secretary Crispin Remulla
Aniya, “Fake news is something that should not be tolerated because its actually a great disservice to the country. Making people believe things that are false is a sin against our country.”
Isa sa mga hakbangin na inaaral ng DOJ na puwedeng gawin ay ang pag-amyenda sa mga batas kontra cyber libel at iba pang batas.
Ayon kay Remulla, “We have been studying ways to combat fake news. Well, we’re looking at the cyberlibel laws and other cyber laws. If there’s a need to amend it, we will recommend amendment.”
Nilinaw ng kalihim na wala silang target na sinumang grupo o indibiduwal sa social media sakaling maghain sila ng kaso laban sa nagpapakalat ng fake news.
Sabi ni Remulla, “We are not exempting anybody nor are we hot in the eyes of anybody. Everybody who dabbles in fake news has to be investigated and charged.”
Una nang inihayag ni bagong Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz, na kanilang pinag-aaralan ang paglikha ng isang ahensya na magre-regulate sa social media para makontra ang mga pekeng impormasyon.
Moira Encina-Cruz