Ilang hukuman sa Luzon at Mindanao, pisikal na sarado hanggang sa kalagitnaan ng Agosto

Naka-lockdown ang ilang korte sa Luzon at Mindanao hanggang sa kalagitnaan ng Agosto upang bigyang daan ang quarantine ng mga empleyado at disinfection ng mga gusali bunsod ng banta ng COVID-19.

Batay sa quarantine status ng mga hukuman sa website ng Korte Suprema, pinalawig pa hanggang sa August 13 ang physical closure ng Malolos City Regional Trial Court Branches 11 at 104 habang hanggang August 15 ang Malolos RTC Branch 13.

Sarado naman ngayong araw para sa sanitation ang Binangonan Hall of Justice.

Hanggang Agosto 14 ang pisikal na pagsasara ng Bongabon, Nueva Ecija Municipal Trial Court at ng Guagua, Pampanga MTC Branch 1.

Sa Mindanao, pisikal na sarado hanggang sa Agosto 9 ang Digos City, Davao del Sur RTC Branch 19 habang hanggang Agosto 10 ang M’lang- Matalam, North Cotabato, Municipal Circuit Trial Court.

Maaaring ma-contact ang mga saradong korte sa kanilang hotlines at email addresses na makikita sa SC website.

Moira Encina

Please follow and like us: