Isa ang patay, isa ang sugatan sa road accident sa Bataan

Patay ang driver at sugatan naman ang pahinante nito matapos mawalan ng preno ang minamanehong dump truck na puno ng trigo, na sumalpok sa concrete barrier sa bypass road sa Barangay Baseco Mariveles Bataan.

Sa ulat na nakarating kay Bataan Police Director Col. Romell A.Velasco, nakilala ang driver na nasawi na si Ariel de Guzman 52 anyos, habang ang pahinante na si Alex Pascual 45 anyos ay nasaktan makaraang tumalon sa trak. Ang dalawa ay kapwa residente ng San Isidro, Neva Ecija.

Nadamay at nawasak naman ang isang bahay matapos bumagsak sa bubong nito ang tone-toneladang trigo na karga ng trak. Mabuti na lamang at walang tao sa loob ng bahay nang mangyari ang aksidente.

Rumesponde sa nasabing aksidente ang Authority of the Freeport Area of Bataan o AFAB ambulance, AFAB fire department, AFAB police, Metro Bataan Development Authority o MBDA, AFAB security, Municipal disaster, PNP Mariveles at mga barangay official.

Ayon sa mga nakasaksi, sa lakas ng impact ng pagsalpok sa concrete box ay tumilapon ang kargang trigo nito sa isang bahay at nawasak habang naipit sa bahagi ng manibela ang driver na siya nitong ikinasawi, kung saan naging pahirapan sa mga rescuer ang paghugot sa katawan ng biktima.

Naisugod naman sa Mariveles District Hospital ang pahinante na nagtamo ng mga sugat.

Ulat ni Larry Biscocho

Please follow and like us: